Ipinanganak akong Irish. Nag-aral ako ng elementarya at haiskul sa ilalim ng mga paring Hesuwita sa Belevedere College, Dublin, Ireland. Katulad ng lahat ng mga batang nag-aral sa mga Hesuwita, saulado ko na bago pa ako mag-sampung taong gulang ang limang dahilan kung bakit may Diyos at kung bakit ang Papa ang pinaka-mataas sa Simbahan.  Sinabi sa amin na ang Papa ang siyang pinaka-importanteng tao sa mundo. Lahat ng sabihin niya ay batas. At ang mga Hesuwita ang kaniyang mga sundalo.

Pagkatapos kong mag-college, nagdesisyon akong maging isang paring Romano Katoliko. Pitong taon akong nag-aral ng pilosopiya at teolohiya. Ang awtoridad na laging sinusunod ng Simbahang Katoliko ay ang “Magisterium.” Ito ang laging kinu-kunsulta kahit nag-aaral kami ng ilang parte ng Bibliya. Itinuturo ng “Magisterium” na ang Simbahang Romano Katoliko lamang ang nag-iisang awtoridad sa lahat ng bagay tungkol sa paniniwala at moralidad. Ito na ang huling batas sa lahat-lahat. Nang maordenahan ako bilang paring Dominiko ng Romano Katoliko, isang taon pa uli akong nag-aral ng teolohiya sa Angelicum University sa Roma.

Setyembre, 1964 nang maipadala ako sa misyon sa Trinidad, West Indies. Dito, ang unang pitong taon ko ay kapareho lamang ng ibang ordinaryong paring Romano Katoliko. Nang pumasok ang Catholic Charismatic Movement sa Trinidad, nagkaroon ng malaking pagbabago sa buhay ko. Dahil sa Catholic Charismatic Movement, may ilang taga-Canada na magpunta sa Trinidad noong 1972 para magturo sa amin ng aral ng Bibliya. Sa mga narinig ko sa kanila, nagsimulang maibigan ko ang Bibliya. Sa unang pagkakataon sa buhay ko ay ginamit ko ang Bibliya bilang awtoridad. Isa sa mga linya sa Bibliya na ginamit ng mga taga-Canada para kami ay magdasal sa pagpapagaling sa maysakit ay ang Isaiah 53:5, “… at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.” Pero sa pag-aaral ko sa Isaiah 53, nadiskubre ko na mas inuuna sa Bibliya ang tungkol sa kasalanan bago ang pagpapagaling: “Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawat isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa Kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat.”

Kahit na humingi na ako ng tawad sa aking mga kasalanan, hindi ko naisip na ako ay isang likas na makasalanan. Itinuro kasi sa akin ng Simbahang Katoliko na ang aking likas na kasamaan, na ang tawag nila ay “kasalanang orihinal”, ay nahugasan na noong ako ay bininyagan. Sa isip ko, dala ko pa rin ang paniniwalang ito. Pero sa puso ko, alam ko na ang aking likas na kasamaan ay hindi ko pa naisusuko kay Kristo. Naging sigaw ng puso ko ang Taga-Filipos 3:10, “Upang makilala ko siya at ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay na mag-uli…” Alam kong sa kapangyarihang ito lamang ako puwedeng magbuhay-Kristiyano. Ito ang naging lakas na nagtutulak sa aking buhay, at nagsimulang sagutin ng Panginoon ang aking mga panalangin.

Una, nadiskubre ko na ang salita ng Diyos sa Bibliya ay ganap, walang pagkakamali. Ngunit sa Simbahang Romano Katoliko, itinuro sa akin na ang Salita ng Diyos ay base sa Simbahang Romano Katoliko at dapat na pag-alinlanganan kung gaano katotoo ang Salita sa maraming mga bagay. Nagsimula kong maintindihan na ang Bibliya ay puwedeng pagtiwalaan. Inumpisahan kong pag-aralan ang Bibliya para makita ko kung ano ang masasabi nito sa kaniyang sarili. Nadiskubre kong ang Bibliya ay maliwanag na nagtuturo na ito ay mula sa Diyos. Ganap, buong katotohanan at hindi mapagdududahan ang sinasabi nito, totoo ito sa kasaysayan, sa mga ibinibigay nitong utos na pang-moralidad, at sa kung paano nito itinuturo ang buhay-Kristiyano sa naniniwala.  Sabi nga sa 2 Kay Timoteo 3:16-17, “Ang lahat ng mga Kasulatan na kinasihan ng Diyos ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran; upang ang tao ng Diyos ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng gawaing mabuti.”

Itinuturo ng Simbahang Romano Katoliko na ang ginagawa ko  bilang pari ay maging “tulay” ng tao patungong langit.  Subalit ganito ang itinuturo ng Bibliya: “Sapagkat may isang Diyos at may isang tagapamagitan as Diyos at as mga tao, ang taong si Cristo Jesus.” (I Timoteo 2:5). Nakita kong taliwas ang turo ng Simbahang Katoliko. Kaya lamang ay talagang napakasarap ng tinitingala ka at iniidolo ng mga tao. Nagsimula kong makita na ang paggamit ng Romano Katoliko kay Maria, sa mga santo, at sa mga pari ay kasalanan. Pero kahit na handa kong talikuran si Maria at ang mga santo bilang mga “tulay,” hindi ko maiwanan ang pagkapari dahil naipuhunan ko na ang lahat dito. Nauwi ang problema sa ganito: Tinuruan ako ng Simbahang Katoliko na ang Misa at ang mga sakramento ang magliligtas sa tao. Paano ko ngayon tatanggapin na maliligtas ka kung magtitiwala ka lang sa Salita ng Diyos? Alin sa dalawang ito ang ganap at hindi mapag-aalinlanganan? Ang Simbahang Katoliko o ang Bibliya? Sa gulo ng isip ko noon ay nagkakasakit tuloy ako kung minsan. Dapat ay naisip ko kaagad noon ang isang simple pero totoong bagay, na hindi maaaring magsilbi ang isang tao sa dalawang amo.

Sa aking huling anim na taon sa pagkapari, sinikap kong paglingkuran pareho ang Simbahang Romano Katoliko bilang ganap na awtoridad at ang Bibliya bilang ganap na awtoridad. Tinangka kong sabihin na ang ganap na awtoridad ng Bibliya ay base sa “ganap na awtoridad” ng Simbahang Romano Katoliko, isang bagay na imposible. Ang desisyon kong iwanan ang katiwasayan ng Simbahang Romano Katoliko ay napakasakit na hindi mailalarawan. Kahit pa nga, ipinasya kong magtiwala sa Panginoon at sa Kaniya lamang sa bisa ng Kaniyang Salita sa Bibliya. Pinagsisihan ko ang aking mga kasalanan, lalo na ang pagiging “tulay.” Tinanggap kong buong-buo at walang kondisyon ang layunin ng pagkamatay ni Kristo sa krus: na si Kristo ang namatay, imbes na tayo. Tinubos Niya ang ating mga kasalanan, ang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap na mga kasalanan. “Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay Kaniyang inaring may-sala dahil sa atin; upang tayo’y maging sa Kaniya’y katuwiran ng Diyos.” (2 Taga-Corinto 5:21).

Mula nang iwan ko ang Simbahang Romano Katoliko, binigyang ako ng Panginoon ng lakas at tatag ng loob sa maraming kahanga-hangang paraan. Kasama rito ang isang taon ko bilang misyunero sa Tsina at ngayong bilang mangangaral ng Ebanghelyo.

Kung nagtitiwala ka pa rin sa mga bagay na pang-relihiyon na ginagawa mo kaysa sa natapos na gawain ni Hesukristo sa krus, hinihiling kong bumaling ka sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos. “Na inyong malalamang kayo’y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto … kundi ng mahalagang dugo … ni Kristo.” (1 Pedro 1:18-19). Hindi ang mga ginagawa mong pang-relihiyon ang makapagliligtas sa iyo, kundi  iyon lamang perpekto at minsanang pagtubos sa kasalanan na binayaran ng dugo ni Kristo. Hindi mo ba tatanggapin ang katotohanang ito na galing mismo sa Salita ng Diyos?  Hilingin mo sa Diyos na ibigay sa iyo ang biyaya upang paniwalaan ang Kaniyang Salita.  Kung hihiling ka ng buong-puso, ilalagay Niya sa iyo ang lakas at layunin para pagtiwalaan Siya.  At habang sa biyaya ay inilalapit ka Niya sa Kaniya, makikita mong ikaw ay muling isinilang, na ikaw ay mayroong bagong buhay at layunin. Dahil “ang isinilang sa laman ay laman at ang isinilang as Espiritu ay espiritu.” (Juan 3:6).


Richard Bennett

804 South 22nd Avenue

Yakima, WA 98902, USA

Email: info@bereanbeacon.org 

Website: https://bereanbeacon.org

Podobne wpisy