Ni Richard Bennett
Sa loob ng 14 taon, naging mahirap para sa akin, bilang pari na hanapin ang tunay na ebanghelyo. Ang pakikinig ko sa mga ibang mga ebanghelista ang siya mismong nagpahirap sa akin. Ipinapangaral ng mga ebanghelistang ito sa radio ang mga bagay na dapat kong gawin upang matanggap ko si Kristo sa aking puso. Ang mga Kristianong babasahin naman ay nagsasabi na kailangan kong gumawa ng desisyon para kay Kristo. Sa naranasan kong paghihirap sa paghahanap ng tunay na ebanghelyo, aking napag-alaman na ayon sa Biblia (Roma 1:3), ang una kong dapat maunawaan tungkol sa ebanghelyo ay “patungkol kay Hesu-Kristo na ating Panginoon,”. Bagamat ang ebanghelyo ay ipinapangaral sa lahat, hindi ito nakasentro sa “pagtanggap kay Kristo.”. Sa halip, ito ay nakasentro sa Panginoong Hesu-Kristo – ang Kanyang katapatan, ang Kanyang kamatayan at pagkabu-hay na magmuli at kung paano tayo ay magiging “katanggap-tanggap sa Kanya” ayon sa Kanyang biyaya.
May diin na ipinapangaral ni Pablo na ang ebanghelyo ay katuwiran ng Dios na ipinahayag sa tao. “Datapwat ngayon, bukod sa kautusan ay pinahahayag ang isang katuwiran ng Dios na sinaksihan ng kautusan at ng mga propeta.” (Roma 3:21). Ang katuwiran ng Dios ay ang lubos at perpektong katapatan sa pagsunod sa Kanyang kautusan. Ito ay hinahangad ng Dios sa mga tao. Sa harap ng Dios na banal, ang kasalanan ay dapat parusahan at ang katuwiran ay dapat na maitanghal.
Ayon kay Apostol Pablo, ang hinahangad na ito ng Dios ay natupad na ni Kristo sa pamamagitan ng perpektong pagpapailalim sa kautusan at ng Kanyang perpektong pagsasakripisyo sa Krus. Dagdag pa ni Pablo, “Sa makatuwid baga’y ang katuwiran ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo sa lahat ng mga nagsisampalataya…” (Roma 3:22). Ang magandang balita ay ito: sa ilalim ng kautusan ang lubos na katapatan ni Kristo ay nalipat na sa mga mananampalataya. Taglay na nila ang katuwiran ni Kristo, katulad sa pagsusuot ng balabal na ipinahayag ni Propeta Isaias –“Ako’y magagalak ng mainam sa Panginoon, ang aking kaluluwa ay magagalak sa aking Dios, sapagkat binihisan Niya ako ng mga damit ng kaligtasan.” (Isaias 61:10). Ipinapakita ng Roma 3:21-22 sa legal na terminologia kung paanong ang tunay na mananampalataya ay itinuring nang matuwid kay Hesus-Kristo. Ang Dios ang nagbigay ng katuwiran ni Kristo sa mga mananampalataya. Ayon sa mabiyayang pagkilos ng Dios, ang katapatan ni Kristo ay ibinigay na sa isang mananampalataya. Si Kristo ang gumanap ng pagsunod ng kautusan para sa kanya.
Itinuturo ng Kasulatan na si Kristo ang nararapat at tanging kinatawan ng Kanyang bayan. Sa dakilang pagtatalaga ng Dios at sa lubusang pagsang-ayon ng Anak, inako ni Kristo ang lahat ng kasalanan ng tao at ipinalit sa kanila ang Kanyang kasakdalan. Ito ang sinalita ni Apostol Juan, “Sapagkat sa Kanyang kapuspusan ay nagsitanggap tayong lahat, at biyaya sa biyaya.” (Juan 1:16)
Maling Pangangaral ng Ebanghelyo
Ang pinakamalaking balakid sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pananahimik. Sa pagiging tahimik at umaasa na ang ating buhay-Kristiano ang magpapatotoo sa ebanghelyo, hindi natin natutupad ang kautusan ng Dios. Ang utos ng Dios na “…magsiyaon nga kayo at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa…” (Mateo 28:19) ay nangangahulugan na dapat tayong humayo at ipahayag ang ebanghelyo sa mga Katoliko! Marami akong kilala na mga naligtas na madre, pare at mga dating Katoliko ang nagsabi na walang mananampalataya ang lumapit sa kanila upang ibahagai ang magandang balita ng kaligtasan. Ngunit ang utos ni Kristo na ipangangaral ang ebanghelyo ay isang kautusan at hindi isang paki-usap.
Sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga Katoliko, dapat na maging maingat na magbigay ng mensahe na nakasentro sa kung ano ang dapat gawin ng tao upang maligtas. Nakagawian na ng mga Katoliko na palagiang sinasabihan kung ano ang kanilang dapat gawin upang maging kapuri-puri sa Dios. Ang Unang Araw ng Biernes, Unang Sabado, ang Asul na Eskapularyo, Ang Daan ni Santa Theresa ng Lisieux, ay punong-puno ng mensahe kung ano ang dapat gawin ng isang tao upang maging katangap-tanggap sa Dios. Ang buhay ng isang Katoliko ay puspos ng “ano ang dapat gawin.”.
Sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa isang Katoliko, and dala nating mensahe ay dapat tungkol sa kung ano ang ginawa ni Kristo at ang simpleng utos na magtiwala at maniwala. Ang kalimitang ginagamit na mga kataga na “Tanggapin si Kristo sa iyong puso” at “Ibigay ang iyong buhay kay Kristo”, ay katulad din lamang ng naririnig ng mga Romano Katoloko sa loob ng kanilang simbahan. Ang mensaheng ito ay dapat na iwaksi kung nais nating ipangaral ang tunay na ebanghelyo. Mahalaga na matalakay ang mga maling paraan ng pagbabahagi ng ebanghelyo na nakasisira sa tunay na ebanghelyo.
Ang “Tanggapin si Kristo sa iyong puso upang maligtas” ay pangungusap na kalimitang ginagamit sa kalipunan ng modernong ebangheliko. Ang mensaheng ito na nakasentro sa tao ay hindi ayon sa Biblia. Binibigyan nito ng kapangyarihan ang tao para sa kanyang kaligtasan, gayong ang kaligtasan ay nasa kamay ng Dios lamang. Ang kaligtasan ay hindi nakabatay sa desisyon ng tao. Ito ay desisyon ayon sa kalooban ng Trinidad na Dios. Ayon sa Biblia, ang isang tao ay tinatanggap kay Kristo ayon sa biyaya lamang. Hindi tao ang tumatanggap kay Kristo. Si Kristo ang tumatanggap sa atin ayon sa Kanyang awa at biyaya. Ang buod ng Efeso I ay mababasa sa bersikulo 6, “Sa ikapupuri ng kalualhatian ng Kanyang biyaya na sa atin ay ipinagkaloob na sagana sa Minamahal”. Si Kristo ang kumikilos, tayo ay walang naiaambag. Siya ang Magpapalayok, tayo ay mga putik lamang.
Ang mga salitang “tanggapin si Hesus sa inyong puso” ay hindi tapat sa Salita ng Dios at itinatanggi ang pagkasoberano ng Dios. Ipinapalagay nito na ang kaligtasan ay nag-uugat sa puso ng tao. Malinaw at paulit-ulit na ipinapahayag sa Biblia na ang kaligtasan ay tanging kay Kristo lamang. Hindi ito tungkol sa tao at kung ano ang dapat niyang gawin upang maligtas; ito ay tungkol sa Dios at kung ano ang Kanyang ginawa upang maligtas ang isang makasalanan. Ang “tanggapin si Kristo” ay nagbibigay ng diin sa bagay na kailangang gawin ng tao. Kung susuriin, ito ay walang iba kundi kaligtasan ayon sa gawa. Subalit ang paniniwala at pagtitiwala kay Kristo dahil sa Kanyang ginawa ay kaligtasan ayon sa “pananampalataya”. Kay Kristo lamang masusumpungan ang lubos na katuwiran na sapat na magpawalang-sala sa isang makasalanan sa harapan ng Banal na Dios.
Hindi ayon sa Kasulatan na isipin na ang kaligtasan ay nag-uumpisa sa paglapit ng tao kay Kristo, at pagkatapos nito, si Kristo ay papasok sa makasalanang puso ng tao. Mahalagang maunawaan na ang tao sa kanyang kalagayan ay walang kakayahang lumapit kay Kristo. Hindi ito dahil sa siya ay mahina at kailangang pukawin ang puso, kundi dahil ang kanyang puso ay katulad ng patay na bato, at hindi niya kaya na lumapit kay Kristo. Kaya nga ayon sa mga salita ng Apostol Pablo, “At kayo’y binuhay niya, nang kayo’y mga patay dahil sa inyong pagsalangsang at mga kasalanan.” (Efeso 2:1).
Ang mga patay sa ispiritwal at hindi makadios ay tatanggapin ng Dios kay Kristo lamang, gaya ng ipinahayag ni Apostol Pablo, Juan at Pedro. Ang taong tumanggap kay Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas ang siya lamang babanalin ng Dios. Si Kristo ay pumapasok sa puso ng mananampalataya. Sinasabi sa Juan 15:4, “Kayo’y manatili sa akin at ako ay sa inyo. Gaya ng mga sanga na di makapagbunga sa kanyang sarili maliban na nakakabit sa puno, gayon din naman kayo, maliban na kayo’y manatili sa akin.”. Ito ang buong proseso ng pagpapabanal ng isang nanampalataya kay Kristo. Ngunit nangyayari ito matapos tanggapin si Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas. Tayo ay nagkakamali kung ating isipin na ang una mismong pagtanggap kay Kristo ang siyang kalubusan ng kaligtasan. Ang pagtanggap kay Kristo ay simula lamang ng kaligtasan at ito ay umuusbong at lumalago sa araw-araw kung tayo ay lalakad ng may kabanalan kay Kristo. (I tried to paraphrase this to make it clear to Filipino reader. You may or may not accept it.)
Ang mga bersikulong sumusunod ay kalimitang ginagamit ng mali sa pag-eebanghelyo. Halimbawa ay ang sulat sa mga mananampalataya sa Iglesia sa Laodicia: “Narito, ako’y nakatayo sa pintuan at tumutoktok; kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya at hahapong kasalo niya at siya’y kasalo ko.” (Apocalipsis 3:20-21). Ang pag-gamit ng Apocalipsis 3:20-21 na mensahe tungkol sa pagpapabanal (sanctification) ngunit ginagamit upang magturo ng pagpapawalang-sala (Justification) ay hindi katanggap-tanggap. Ang pagpapabanal (sanctification) ay iba sa pagpapawalang-sala (justification). Ang pagpapabanal ay unti-unti, ngunit nagpapatuloy, samantalang ang pagpapawalang-sala ay minsanan at sakdal. Alam ito ng maraming gumagamit sa bersikulong ito, subalit ito pa rin ang kanilang ginagamit dahil sa kanilang iniisip na mas nagtatagumpay sila sa pagpapapahayag ng ebanghelyo. Dahil ang pag-abusong ito sa Kasulatan ay magdadala sa kauluwa sa walang-hanggang kapahamakan, mabuting magbigay ng halimbawa upang maiwasan ito. Kalimitan ay maririnig nating ang mga sumusunod:
“Narito, ako’y nakatayo sa pintuan at tumutoktok; kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya at hahapong kasalo niya at siya’y kasalo ko.” (Apocalipsis 3:20-21). Nais ni Hesus na magkaroon ng personal na relasyon sa iyo. Ilarawan mo sa iyong isip na si Hesu-Kristo ay nakatayo sa pintuan ng iyong puso (pintuan ng iyong damdamin, kaisipan at kalooban). Anyayahan mo Siyang pumasok sa iyong puso. Naghihintay Siya sa iyo upang tanggapin Mo Siya sa iyong puso at buhay.”
Si Hesus ay hindi nakatayo na naghihintay upang pumasok sa puso ng isang makasalanan. Inuutusan Niya ang lahat ng tao sa lahat ng dako na manampalataya sa Kanya. Ang pananampalataya kay Kristo lamang ang nakapagliligtas, hindi ang pananampalataya sa isang dapat gawin ng tao. Ang teksto ng pagpapabanal (Apocalisis 3:20) na binigkas ng Panginoon sa mga iglesia ay ginagamit ng mali. Hindi kataka-taka na ang ministeryong gumagamit ng mensaheng ito ay nagsusulong ng “kaligtasan bilang isang proseso“ na gaya ng katuruan ng mga Evangelicals and Catholics Together (ECT 1), at iba pang maling dokumento ng mga ecumenicals. Marami ang nalilinlang sa mahalagang katotohanang ito, subalit taos-puso ang paniniwala na kanilang tinanggap si Kristo bilang kanilang Tagapagaligtas, gayong ang kanilang pinaniwalaan ay isang ritwal lamang.
Ang mga Katoliko ay kalimitang nalilinlang sa mahalagang mensaheng ito, kumbinsido silang tinanggap nila si Kristo sa kanilang puso. Subalit sila ay nananatili sa simbahan ng Romano Katoliko at naniniwala na ang ginagawa nila ay tungkol sa ebanghelyo at ito ay dagdag pa rin sa maraming ritwal o tradisyon ng Katolisismo. Isang malalang pagkakamali ang magbigay ng mapanlinlang na mensahe ng kaligtasan.
Ang isa pang maling paraan ng kaligtasan na hindi ayon sa Biblia ay ang mensahe na “Hayaan mo na si Hesus ang maghari sa iyong buhay, upang maligtas.”. Ito ay nakasentro sa tao at nakabatay pa rin sa gawa upang maligtas. Ang katuruang ito ay mali dahil ang soberanong Dios ng sansinukob ang Siyang naghahari sa lahat Niyang nilikha. Ito ay pilosopiya ng tao na nagpapakita ng sukdulang pagmamataas laban sa Dios. Siya ang Dios “Tayo rin naman sa kaniya ay ginawang mana, na itinalaga na niya tayo nang una pa ayon sa pasiya niyaong gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa pasiya ng kaniyang kalooban.” (Efeso 1:11). Kaya malinaw na walang maibibigay ang tao sa Dios kapalit ng kanyang kaligtasan. Ayon kay Apostol Pablo, “Na hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo…” (Tito 3:5-6). Si Kristo-Hesus lamang ang tanging alay na handog sa kasalanan na katangap-tanggap sa Banal na Dios, at ang pag-aalay na ito ay naganap nang lubos doon sa Krus. Kaya ang sakripisyo para sa kasalanan ay ginanap at natapos na sa Krus. Ang isang tao ay nagiging matuwid sa harap ng Dios, ayon sa biyaya sa pamamagitan ni Hesu-Kristo, hindi sa pangako o pagtatalaga ng sarili. Ang pagsasa-ayos o pagdisiplina sa ating kilos at gawa ay nangyayari pagkatapos ng kaligtasan. Hindi ito ang pinagmulan ng kaligtasan.
“Ibigay mo ang iyong buhay kay Hesus (upang maligtas)”. Ang katuruang ito ay mali. Una, Ito ay taliwas sa katotohanan. “Na siyang nagbigay ng kaniyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo’y maligtas dito sa kasalukuyang masamang sanlibutan, ayon sa kalooban ng ating Dios at Ama.” (Galacia 1:4) Walang bersikulo sa Biblia ang nagtuturo na ang taong patay sa ispiritwal na kalagayan ay makapagbibigay ng kahit ano, maging kanyang buhay upang maligtas. Ang makataong konseptong ito ay hindi naaayon sa Biblia. Ang buhay na walang-hanggan ay regalo ng Dios. “Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, datapwat ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo-Jesus na Panginoon natin.” (Roma 6:23). Ang isang tao ay hindi nagbibigay ng anuman upang tanggapin ang libreng regalo. Ang Panginoong Dios ang nagbigay ng walang bayad na regalo ng buhay na walang-hanggan. Ayon sa mga salita ni Apostol Juan, “At ito ang patotoo na tayo ay binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak.” (Juan 5:11).
Ang kataga na, “ibigay mo ang buhay mo kay Hesus” ay ipinapalagay na may maaring ibigay ang tao sa Dios. Subalit dahil ang tao ay patay sa kasalanan, hindi siya maaaring makapagbigay ng anuman – maging ang kanyang buhay – na maaaring magligtas sa kanya sa kasalanan. Ang hindi mananampalataya ay walang kalayaan ng kalooban na pumili ng tama o mali dahil siya ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan. Hindi niya kayang supilin ang sarili. Hindi nanaisin ng Dios na tumanggap ng handog mula sa isang makasalanan!
Pansinin na sa Lumang Tipan, kinakailangan na ang mga pari ay maghandog muna ng madugong handog para sa kanilang sarili, bago sila makalapit sa Banal na Dako. Ang madugong sakripisyong ito ay larawan ng madugong sakripisyo ng Tagapagligtas upang tubusin ang kasalanan. Hindi ito nag-iba kahit sa ating panahon. Kaya ang isang makasalanan ay hindi “makakapagbigay” sa Dios ng kanyang sarili na pinaghaharian ng kasalanan. Kailangan muna siyang makipagkasundo sa Dios sa pamamagitan ng “pagtitiwala” ng lubusan sa gawang pagtutubos ni Kristo sa krus. Kung ang mga Katoliko ay tinuturuan na “ibigay ang sarili kay Hesus” upang maligtas, kailangan niyang ibigay ang kanyang paglilingkod, oras, gawain, salapi at iba pa, at siya ay magiging makatuwiran sa harap ng Dios. Ito ay magdadala sa isang ebanghelyo na ayon sa gawa na hindi kailanman magliligtas. Ang isang tao ay magiging matuwid sa harap ng Dios ayon sa biyaya lamang, sa pananampalataya lamang, kay Kristo lamang at wala nang iba. “Sapagkat sa biyaya kayo’y ngangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Dios; hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri.” (Efeso 2:9).
Ito ang ilan sa pamamaraan na nakasentro sa tao na ginagamit ng madernong pangangaral ng ebanghelyo. Ang mga halimbawa na ipinakita dito ay nagsasaad ng pagtalikod sa tunay na ebanghelyo. Ito ay nangyayari sa ating panahon at dapat gisingin ang mga tao ng Dios upang ipahayag ang tunay na mensahe ng ebanghelyo
Pagpapahayag ng Ebanghelyo na Ayon sa Biblia
Una, ang lahat ng tao ay inutusan na, “manampalataya ka sa Panginoong Hesus…” (Gawa 16:31). Ang buod ng kautusang ito ay ipinahayag ng Panginoon ng Kanyang sabihin, “Ito ang gawa ng Dios na inyong sampalatayanan yaong kaniyang sinugo.” (Juan 6:29). Ganito rin ang pahayag ni Apostol Pablo at Silas “…manampalataya ka sa Panginoong Hesus, at maliligtas ka ikaw at ang iyong sangbahayan.”(Gawa 16:31). Ang kahalagahan ng pananampalataya ay binigyang diin ng Panginoon ng kaniyang sabihin, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, ang sumampalataya ay may buhay na walang hanggan.” (Juan 6:47). Sa kabuoan, sinabi ng Panginoon, sa Juan 3:36, “Ang sumampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan, ngunit ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Dios ay sumasa kanya.”. Malinaw ang dahilan kung bakit ito ang mangyayari. “Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagkat hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios. At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanlibutan, at inibig pa ng tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagkat masasama ang kanilang mga gawa.” (Juan 3:18-19).
Sa utos na manampalataya, dapat nating kilalananin na kung walang biyaya, walang taong mananampalataya. Ang pinaka-mataas na pagpapahayag ng kabutihan ng Dios ay ang Kanyang biyaya. Ito ay nagpapahayag ng likas na pagiging mabiyaya ng Dios. Kaya’t idinidiin ng Kasulatan na “Upang sa mga panahong darating ay maihayag niya ang dakilang kayamanan ng kaniyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin kay Cristo-Jesus.” (Efeso 2:7). Ang ikakaliligtas ng isang tao ay hindi maaring magmula sa kanyang sarili kundi ito ay nagbubuhat lamang sa kabutihan at awa ng Dios.
Sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga Katoliko mahalagang maipaliwanag ng malinaw na ang bawa’t tao ay inutusang manampalataya, subalit kung walang biyaya ng Dios, ang tao ay hindi mananampalataya. Ang tensyon na ito ay mababasa sa teksyo katulad ng Juan 1:12-13. “Datapwat ang lahat na sa kaniya ay nagsitanggap ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan. Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios.”. Ipinahayag din ni Apostol Pablo ang parehong katuruan. “Kaya maging hayag nawa sa inyo mga kapatid na sa pamamagitan ng taong ito ibinabalita sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan. At sa pamamagitan niya ang bawa’t nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito’y hindi kayo aariing ganap sa pamamagitan ng kautusan ni Moises.” (Gawa 13:38). Ganito rin ang itinuturo ni Apostol Pedro na ang pananampalatayang nagliligtas na ating pinaniniwalaan ay nagmula sa Dios. “Si Simon Pedro, na alipin at apostol ni Jesucristo, sa nagsipagkamit na kasama namin ng mahalagang pananampalataya sa katuwiran ng ating Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo.” (2 Pedro 1:1).
Ang desenyo ng Dios sa mga tekstong ito (at iba pa sa Biblia) ay upang ipakita na ang isang tao ay dapat na manampalataya sa Panginoong Hesus upang maligtas, subalit upang magawa niya ito, kailangan ng biyaya ng Dios. Sa pagbabahagi ng ebanghelyo, dapat nating ipakita sa tao na upang manampalataya, kailangan niyang tumingin sa Panginoon para sa Kanyang biyaya. Ang lahat ng nanampalataya kay Hesus ay kumbinsido sa sukdulang kasamaan ng kasalanan sa puso at ang kakayahang maniwala kay Hesus ay regalong mula sa Dios. Mahalaga na maunawaan ito upang maintindihan ang sinasabi sa bersikulong ito, “Nang magkagayo’y sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Kung ang sinumang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin.” (Mateo 16:24). Kailangan ng tao na talikuran ang walang kabuluhang pagpapagal sa mundo, ang kanyang pagiging makasarili, ang kaniyang bulok na katuwiran, ang kanyang relihiyon, at manampalataya lamang sa ginawa ng Dios sa pamamagitan ni Kristo. Ang mabiyayang regalo ay itinampok ni Apostol Pablo nang kanyang ipahayag, “Palibhasa’y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus.” (Roma 3:24). Ang biyaya ay walang bayad na regalo sa mga taong hindi karapat-dapat na tumanggap ng anuman. Ito ay taliwas sa kaisipan na ang kaligtasan ay matatanggap ayon sa sariling gawa.
Pagsisisi
Ang pananampalataya kay Kristo, pagtitiwala, at paglapit sa Kanya ay ang mahirap na bahagi ng ebanghelyo na kalimitan ay hindi nababanggit sa mga ipinamimigay na babasahin at sa mga patotoo ng kaligtasan. Ngunit sa Biblia, ang pagsisisi ay pangunahing binabanggit na kailangan upang maligtas. Ito ang mensahe ng Panginoong Jesu-Kristo “Kayo’y mangagsisi at manampalataya kayo sa evangelio.” (Markos 1:15). Siya ay dumating upang “tawagin ang makasalanan sa pagsisisi.” (Lukas 5:32). Kanyang binigyang-diin na, “malibang kayo’y mangagsisi ay mangamamatay kayong lahat…” (Lukas 13:3). Nang si Kristo ay umakyat sa langit, ito rin ang Kanyang itinuro, “At ipinangaral sa kanyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa…” (Lukas 24:47). Ipinahayag ni Apostol Pedro ang ganito: “Kaya nga mangagsisi kayo at magbalik-loob upang mangapawi ang inyong mga kasalanan…” (Mga Gawa 3:19). Ito rin ang ipinagaral ni Pablo, “Kayo nga’y mangagbunga ng karapat-dapat sa pagsisisi.” (Mateo 3:8); “Na pinapatotohanan kapuwa sa mga Judio at gayon din sa mga Griyego, ang pagsisisi tungo sa Diyos at pananampalataya tungo sa ating Panginoong Jesu-Cristo.” (Mga Gawa 20:21).
Ang pagsisisi ay napakahalaga sa kaligtasan kung kaya’t kung wala ang pagsisisi, walang pananampalatayang nagliligtas. Ang pagkabagabag sa kasalanan ang unang tanda ng pagkilos ng Banal na Espiritu sa buhay ng taong nawawala. Ang pagkabagabag na ito ay ang katibayan ng pagpapakita ng Espiritu ng Dios tungkol sa kanyang kasalanan at kanyang nalalaman na kailangan siyang parusahan dahil dito. Kung inilalapit ng Dios ang taong ito sa Panginoong Hesus, ang Banal na Espiritu na bumabagabag sa kanya dahil sa kanyang kasalanan ang siya ring magtutulak upang lumapit siya sa Dios sa pagsisisi. Sinasabi sa Juan 6:44, “Walang tao na makalalapit sa akin, maliban na dalhin siya ng Ama na nagsugo sa akin: at ibabangon ko siya sa huling araw.” Kailangan ng tao ng kapatawaran ng Dios sapagkat siya ay isang makasalanan na nawasak ang relasyon sa Dios. Ang impiyerno at ang galit ng Dios ay naghihintay sa isang makasalanang namatay at hindi naligtas. Kung walang pagkabagabag sa kasalanan, ang isang tao ay walang kaligtasan. Ang kaligtasan ang siyang magpapalaya sa isang tao mula sa kanyang kasalanan at sa parusa ng Dios. “At siya ay magsisilang ng isang anak, at tatawagin mo siya sa kaniyang pangalan na JESUS: sapagkat siya ang magliligtas sa kaniyang bayan mula sa kanilang kasalanan.” (Mateo 1:21). Ang pagsisisisi ay bahagi ng pagtitiwala kay Kristo sapagkat si Kristo ay dumating hindi upang iligtas ang tao sa kanyang kasalanan kundi mula sa kanyang kasalanan. “Datapwa’t ngayon ay inuutusan ang lahat ng tao sa lahat ng dako upang magsisi.” (Mga Gawa 17:30).
Sa mga relihiyoso at debotong Katoliko, ang pinakamahirap na pagsisihan na kasalanan ay ang pagtitiwala na ang kanilang Katolikong relihiyon ang nagbibigay ng kaligtasan. Ang matalas na salita ng Panginoon sa mga Fareseo, na nagtiwala din sa kanilang relihiyon ay angkop din sa kanila “…Sapagkat kung kayo ay hindi mananampalataya na ako ay siya, kayo ay mamamatay sa inyong mga kasalanan.” (Juan 8:24). Ito ay dahil sa ang mga Katoliko ay naniniwala na nasa kanilang iglesia ang lahat ng kailangan para sa kaligtasan, kaya’t itinatatwa nila si Kristo. Sa mga relihiyosong Katoliko katulad nila, ang mabisang salita ng pagsisisi ay, “kung kayo ay mananatili sa inyong tradisyon, kayo ay mamamatay sa inyong kasalanan. Magtiwala kay Kristo at sa Kanya lamang, hindi sa anumang Iglesia, at tanggapin ang buhay na walang hanggan na si Kristo lamang ang makapagbibigay.”
Ang Pamamaraan Ayon sa Biblia
Ang pamamaraan ng pag-eebanghelyo na nakasentro sa Biblia ay mahalagang bahagi ng katotohanan ng Panginoon. Ang pamamaraan mismo ng Panginoon ay ang pagtatanong at ang pagpapahayag ng pangangailangan ng pagsisisi at pananalig katulad ng ating nakita. Ang paraan ayon sa Biblia ay ang pagtatanong katulad ng ginawa ni Hesus:
Walong Halimbawa ng Pagtatanong sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo:
Paanong ang makasalanang tulad natin ay makakaharap sa Banal na Dios?
Ano ang layunin mo sa ibuhay? At ayon sa kanilang tugon… Sa harap ng perpektong banal na Dios, ano ang layunin mo sa buhay?
Ano ang buod na mensahe ng Biblia?
Paanong ikaw at ako ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan?
Bakit ang walang kasalanang Kristo ay namatay sa Krus?
Ang Dios ay lubos na banal; tayo ay lubos na makasalanan. Paanong ang isang tao ay magkakaroon ng relasyon sa Kanya?
Bakit sinabi ni Hesus sa mga Fareseo, “sapagka’t maliban na kayo’y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.” (Juan 8:24).
Binasa mo ba ang iyong Biblia ngayon?
Ang Kaligtasan ay Kay Kristo Hesus Lamang
Sa Kasulatan, malinaw na ang kaligtasan ay kay Kristo lamang. Halimbawa, sa Efeso kapitulo 1 at 2, mababasa ang mga katagang “kay Kristo”, “ng dahil sa Kanya”, “sa pamamagitan Niya”, “sa Minamahal,” ay binanggit ng 18 ulit. Ito rin ang ipinapahayag sa lahat ng sulat ni Apostol Pablo; ang kaligtasan ay laging binabanggit na “kay Kristo”. Ayon sa patotoo ni Apostol Pablo, “At ako’y masumpungan sa kaniya, na walang katuwirang aking sarili, sa makatuwid baga’y sa kautusan, kundi ang katuwirang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran ngang buhat sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya.” (Filipos 3:9). Sa parehong pahayag, sinabi ni Apostol Juan na ang buhay na walang hanggan ay kay Kristo at ito ay nakakamit sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya. “At nalalaman natin na naparito ang Anak ng Diyos, at tayo’y binigyan ng pagkaunawa upang ating makilala siya na totoo, at tayo’y nasa kaniya na totoo, samakatuwid ay sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Ito ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.” (I Juan 5:20). Ang pananalig kay Hesu-Kristo ay katulad ng pagkakaroon ng buhay na walang hanggan. Si Hesu-Kristo ang buhay na walang hanggan.
Ang utos sa Kasulatan ay ito “Sumampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, at ikaw ay maliligtas at ang iyong sambahayan.” (Mga GAwa 16:31). Sa salita ng Panginoong Hesus mismo ay ganito, “Siya na sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas…” (Markos 16:16).
Ang pagtuturo na ang kaligtasan ay kay Kristo lamang at hindi sa gawa ng mananampalataya ay napakahalaga kapag nagbabahagi ng ebanghelyo sa isang Katoliko. Anumang kataga sa pagbabahagi na nakatuon sa puso ng tao at hindi kay Kristo ay hindi epektibo dahil hindi ito tapat sa Salita ng Dios. Ginagawa nito na tumingin ang taong makasalanan sa kanyang sarili, at hindi kay Kristo na nagliligtas sa kasalanan. Ang prinsipyo sa Biblia ay manalig lamang kay Hesu-Kristo na Panginoon.
Ang Ama na Siyang naglalapit ng isang tao kay Kristo ang naguudyok upang lumapit siya kay Kristo. Ang kaligtasan ay nakakamit ayon sa biyaya lamang. Ito ay regalo ng Dios ayon sa pananampalataya lamang. Ang paglapit kay Kristo (pagtitiwala sa Kanya) ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan sa pangkasalukuyan at ang buhay ng isang naligtas ay lubos na lulualhatiin sa langit.
Sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga hindi ligtas, ang usapin ng “pagpunta sa langit” ay hindi lamang nagpapabago sa pananaw sa kung sino ang Dios, kundi hindi nito binibigyang linaw na sa pamamagitan ng pananampalataya, tayo ay mayroon nang buhay na walang-hanggan. Sa halip na ang pag-usapan ay ang pagpunta sa langit, dapat na ating ipa-abot sa mga nawawala na “At ito ang buhay na walang-hanggan, na ikaw ay makilala niya na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.”(Juan 17:3). Ang buhay na Salita ng Dios ang dapat na ipahayag sa mga Katoliko, sa supermarket man, sa parlor o kung nakikipag-usap sa telepono. “Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo, upang inyong malaman na kayo’y mayroong buhay na walang hanggan, sa makatuwid ay sa inyong pananampalataya sa pangalan ng Anak ng Dios.” (I Juan 5:13).
Ang buod ng ebanghelyo ayon kay Apostol Pablo ay halimbawa ng eksaktong kahulugan ng kaligtasan. “Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay inaring may sala dahil sa atin: upang tayo’y maging sa kaniya’y katuwiran ng Dios” (2 Corinto 5:21). Si Hesu-Kristo ay hindi “ginawang makasalanan” sa paglalagay sa kanyang puso ng kasalanan. Ang mananampalataya ay “ginawang makatuwiran” hindi sa pagbibigay ng kabalanan.
Ang Panginoong Hesus ay perpektong banal, subalit naging kahalili ng makasalanang mananampalataya. Ayon sa batas, ginawa ni Kristo na tanggapin ang poot ng Dios. Ang layunin ng katapatan ni Kristo sa lahat ng Kanyang ginawa, na nagwakas sa kamatayan Niya sa Krus, ay upang mabihisan ng Kanyang katuwiran ang mananampalataya. Ayon sa batas, “yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kanyang inaring may sala dahil sa atin.” (2 Corinto 5:21). Sa makatuwid, Siya ay “inaring may sala” sapagkat ang kasalanan ng Kanyang mga tao ay inako Niya. Gayundin, itinuring ng Dios ang mananampalataya na makatuwiran dahil sa katuwiran ni Kristo. Malinaw na ang kaligtasan ay ang makatuwiran at mabiyayang gawa ng Dios kung saan ang isang nanampalataya ay makakatayong matuwid dahil kay Kristo Hesus. Hindi ito maaaring angkinin ng isang hindi nanampalataya.
Kapag ang buong gawa ng pagliligtas ay ibinigay sa Dios at sa Kanyang biyaya, at kung ang Kanyang makapangyarihang Salita ay ginamit sa pagbabahagi ng ebanghelyo, ang Dios ay magliligtas ng makasalanan at Kanyang ibibigay ang kapahayagan ng Kanyang kapangyarihan, pag-ibig at kaawaan. At ang lahat, ayon sa pahayag ni Apostol Pablo ay mauwi “Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya” (Efeso 1:6).