Mahal na Kaibigan,

Sa inyong pagbasa sa mga katotohanang nakasulat sa artikulong ito, maganda man ang pagpapakilala sa Romano Katoliko bilang isang tunay na Kristianong iglesia, ipinamamanhik ko na huwag itong paniwalaan sapagkat magdadala ito sa iyo sa kapahamakan. Sa kasaysayan, maraming halimbawa na ang nagpapakita na delikado ito. Sa Ireland, noong 1172, ang pananampalataya ng Romano Katoliko ay ipinilit sa mga Kristianong Pastor ni Pope Alexander III sa tulong ng pwersa ng militar ni Haring Henry II ng England. Tinanggap nila ang Iglesia ng Roma kapalit ng kanilang buhay. Nagbunsod ito ng pagkawala ng pananampalatayang Kristiano sa bansang ito. O anong kaibahan sana kung pinili ng mga pastor at ng mga mamamayan na isakripisyo ang kanilang buhay para sa Ebanghelyo ng biyaya.

Ganito rin ang nangyari nang ang mga Hesuwita ay dumating sa Poland noong 1560. Bumuo sila ng grupo ng mga paaralan at kolehiyo, at sa matalinong paraan ay kanilang ipinakilala na ang Romano Katoliko ang totoong Iglesia. Kaya kinilala ng mga pastor, lider at mga tao ang Romano Katoliko at naging malaki ang kasiraaang ginawa nito sa pagtutuwid ng Repormasyon. Gayon din, noong 1600 hanggang 1610, ang mga Hesuwita ay nangunguna sa paglaban sa Repormasyon sa Hungary. Sila ay nagtagumpay na muling maibalik ang 2/3 sa Katolisismo, sa panahon na ang bansa ay nasa pagtanggap na sana ng pananampalataya ayon sa Biblia.

Ngayon, isa na namang Hesuwita ang nangunguna sa paninirang ito. Si Pope Francis ay nakatutok sa mga bansa sa mundo. Kaya napapanahon na para ikaw at ang lahat ng mga Kristiano ay manindigan at lumaban sa panghihimasok ng hidwang pananampalataya ng Iglesiang ito.

Nakikiusap ako na ipamahagi ninyo ang artikulong ito at ilathala sa Internet Websites. Manalangin tayo na ipakita ng Panginoong Jesu Cristo na Siya ang ulo ng Iglesia. Siya ang naghahari sa Kanyang Iglesia ayon sa katotohanan ng Kanyang Salita at ng Ebanghelyo ng biyaya.

Sumasainyo, ayon sa katotohanan at biyaya ng Panginoon,

Richard Bennett

Iniulat ng The New York Times ang malugod na pagtanggap kay Pope Francis ng mga Amerikano noong siya ay bumisita doon noong Setyembre 2015. Ganito ang sinasabi ng ulat:

“Sa pagsalubong ng trumpeta, kasama ng sabayang bigkas ng amen, nagpakilala si Pope Francis sa mga mamamayan ng Amerika noong Miyerkules na may dalang mensahe tungkol sa pagbabago ng klima (climate change), imigrasyon  at kahirapan. Ang kanyang mensahe ay hindi lamang para sa simbahan kundi pati na rin sa larangan ng politika. Sa okasyong iyon ang ningning ng matandang Iglesia ng Romano Katoliko ay nakisama sa kaguluhan na makikita sa isang modernong rock star tour.  Malumanay ngunit may pwersa ang mensahe ni Pope Francis patungkol sa matitinding isyu na humahati sa mga Amerikano.”[1]

Sa unang tingin, parang walang kontrobersiya sa kanyang mga pananaw at paghuhusga at animo’y walang hindi maaabot ng kanyang awa. Ngunit parang may makapangyarihan at hindi nakikitang kamay na kumikilos habang ang mga tao ay nagsisiawit ng papuri sa Romanong Papa. Mistulang namamangha ang buong mundo sa kanyang kapangyarihan, patakaran at karangyaan. Subalit ilan lamang ang tunay na nakakaunawa  kung ano talaga ang laman ng sinasabi ni Pope Francis. Ang halimbawa nito ay ang sinabi ng Papa sa St. Patrick’s Cathedral sa New York, noong Setyembre 24, 2015, kung saan si Francis ay nananalangin para sa daan-daang mga Muslims na pinatay noong pagdiriwang ng Islam Hajj. Ito ang kaniyang sinabi.

“Nais kong ipahayag ang nasa loob ko tungkol sa ating mga Muslim na kapatid na babae at lalaki. Ang damdamin na mapalapit sa kanila sa harap ng trahedyang ito na kanilang dinanas sa Mecca. Sa oras na ito ay ibinibigay ko ang aking panalangin. Ako ay nakikiisa sa inyo. Ang aking panalangin ay sa makapangyarihan at maawaing Diyos.[2]

Ang damdaming ito ng Papa ay umaayon sa opisyal na katuruan ng Vatican. Sa paglayo ng Roma sa Panginoon ng Kaligtasan, inilalapit naman nito ang sarili sa Islam at inaamin na pareho nilang sinasamba ang pareho nilang diyos.

“Kasama sa plano ng kaligtasan ang lahat ng kumikilala sa Lumikha, at una sa kanila ay ang mga Muslim. Sila ay nagpapahayag ng pananampalataya ni Abraham at kasama natin, sila ay sumasamba sa isang maawaing Diyos, na siyang maghuhukom sa lahat ng katauhan sa huling araw.”[3]

Ang pagpapahayag ni Pope Francis ng pakikiisa sa pananampalataya kay “Allah” ng relihiyong  Islam ay kasuklam-suklam sa harapan ng nag-iisang Tunay na Diyos, sapagkat Siya ang nag-utos. “Sapagkat hindi ka sasamba sa ibang diyos, sapagkat ang PANGINOON na ang pangalan ay Mapanibughuin ay Diyos na mapanibughuin” (Exodus 34:14).[4]  Sa Isaias ay ito ang sinabi, “Ako ang PANGINOON, iyon ang aking pangalan; hindi ko ibibigay sa iba ang aking kaluwalhatian, o ang akin mang kapurihan” (Isaias 42:8).[5]

Kaya’t ang kasamaan at pag-abuso sa mga doktrina ng Roma ay batik na hindi kayang takpan ng karisma ni Pope Francis.

Ang Kasamaan ng Iglesia ng Romano Katoliko ay Dapat na Siyasatin

Ang ipinahayag sa mundo noong 2003 ay totoo pa rin sa ating panahon. “Mula Canada hanggang Australia, South Africa hanggang Hongkong, mula Europa at Ireland, at mismong sa Poland na Bayan ni Pope Paul II, ang pang-aabusong sekswal ng mga pari at ang pagtatakip dito ay malaking problema na lantad sa buong mundo [6]. “Ito ay hindi lamang tungkol sa isang tao o bansa; ito ay tungkol sa isang institusyon.”[7] Paulit-ulit na napapatunayan na ang Iglesia sa Roma  ay “isang institusyon” ng pagtataksil, pag-abuso at pagsisinungaling. Ang mga kaso ng sekswal na pang-aabuso ng paring Katoliko ay nagpapatuloy na nabubunyag kagaya ng nailathala noong Agosto 5, 2015. “Ang huling araw ng pagpapasa ng kaso ay natapos na, at ang kaso ng bankruptcy ng Twin Cities archdiocese ay umangat ng isa pang baitang. Humigit-kumulang na 600 kaso ang naipasa, kasama dito ang 407 mula sa nabiktima ng pang-aabuso ng pari.” [8]

Noong Hulyo 15, 2015, ito ang iniulat ng New York Times:

“Bagamat ang sekswal na kasalanan ng isang pari ay pangunahing balita sa Minnesota at sa buong mundo, ang huling pagbibitiw ni Arsobispo John C. Nienstedt at ng isa pang Obispo na si Lee A. Piché ay nangyari sa gitna ng pagsulong na parusahan din ang mga lider ng Iglesia na hindi nakikialam.”[9]

Kinikilala ng marami na ang utos na huwag mag-asawa ang isang pari ng Romano Katoliko ang ugat ng kasalanang sekswal at pagbaba ng moralidad ng mga Katolikong pari. Ang mga paring tao ay tao rin na may damdamin at sekswal na pangangailangan. Ang pilitin sila na huwag mag-asawa ay mali sapagkat hindi ito naaayon sa kalooban ng Dios para sa mga lalaki at babae na magsipag-asawa at magkaroon ng anak. Ang pagpipigil sa mga paring ito na mag-asawa ang nagtutulak sa kanila upang magkasala. Hindi lamang nila sinisira ang sarili kundi pati na rin ang kababaihan, mga batang babae at lalaki sa kanilang gawa ng pakikiapid at kabaklaan.

Marami ring nakakaalam sa mga Katoliko na si Pope Gregory VII ang unang nagpasa ng batas na ipinagbabawal sa mga pari ang mag-asawa. Nakasaad sa Catholic website www.uscatholic.org ang ganito, “Noong 1075 iniutos ni Pope Gregory VII ang mahigpit na pagbabawal sa mga may asawang pari na pumasok sa ministeryo. Ito ay ginawang pormal sa First Lateran Council noong 1123.” [10]

Ipinapalagay na si Pope Francis ang Papa na bumabali sa mga tradisyon ng Roma. Ngunit kung tunay na siya ay may malasakit sa hindi mabilang na pari at manggagawa ng Iglesia Romano na biktima ng batas na hindi pag-aasawa, dapat sana ay nagmamadali siya upang baguhin o balewalain ang batas na ito. May mga haka-haka na maaari nga niya itong gawin. Subalit pagkaraan ng 940 taon ng pagpapatupad ng batas na ito, kung ipawalang-bisa man ito ni Francis, maaaring ang kanyang pangunahing dahilan ay ang nauubos nang pera sa mga pag-aareglo ng kaso at hindi ang malasakit sa mga biktima ng sekswal na pang-aabuso ng mga Romanong pari.

Ayon sa ulat ng The Guardian, “Pinupuri ni Pope Francis ang mga Obispo sa America sa kanilang paghawak sa mga kaso ng pang-aabusong sekswal na yumayanig sa Iglesia Katoliko sa maraming dekada, at sinasabing sila ay nagpakita ng ‘tapang’ at muling nakukuha ang awtoridad at tiwala ng tao sa kanila. Mula taong 2004 hanggang 2013 ang US diocese ay nagbayad na ng 1.7 bilyong dolyar sa pag-aareglo sa mga kaso. Ito ay ayon sa ulat na ipinalabas noong nakaraang taon ng US Conference on Catholic Bishops. Sa gayunding panahon, nagbayad din  sila ng 379 milyong dolyar para sa legal fees.” [11]

Ang Iglesia ng Katoliko ay isang korporasyon, at walang korporasyon ang tatagal sa maraming pagkawala ng salapi. Kailangang mapanatili ng Roma ang awtoridad at kapangyarihan nito sa milyon-milyong mga Katoliko na tumitingin sa kanya, sa gitna ng mga ulat ng pagsisinungaling at pagkabulok. Kaya maaaring pawalan ng bisa ni Pope Francis ang batas ng pagbabawal sa mga pari na mag-asawa.

Masahol pa sa Pang-aabuso: Katuruan ng Paglago sa Espiritwal na Buhay mula sa mga Sakramento

Noong Mayo 3, 2015, araw ng Linggo, gaya ng mga naunang papa, idiniin ni Pope Francis ang pagganap ng mga sakramento bilang paraan upang magkaroon ng buhay na espiritwal at komunyon kay Cristo. Kanyang sinabi, “Si Jesus ang ubas, at sa pamamagitan Niya, tayo ang mga sanga…  Sa pamamagitan ng parabolang ito, nais ni Jesus na maunawaan natin ang kahalagahan na tayo ay manatili sa Kanya. Bilang kapisan ni Hesus sa pamagitan ng Bautismo (Binyag), ating tinanggap ng walang bayad ang regalo ng bagong-buhay at maaari tayong manatili sa mahalagang ugnayang ito kay Cristo. Kailangan nating maging tapat sa Bautismo, at lumago sa ating pakikipagkaibigan sa Panginoon sa pamamagitan ng pananalangin, pakikinig at pagsunod sa kanyang Salita, pagbabasa ng Ebanghelyo, pakikilahok sa mga sakramento, lalung lalo na ng Eukarista (Eucharist) at ang Pakikipagkasundo (Reconciliation).”[12]

Ito ang nagpapatuloy na tema ng doktrina ng Roma, at ipinipilit na ang mga pisikal na ritwal ay mabisang paraan ng biyaya. Ipinagdidiinan ng Iglesia sa Roma na ang mga sakramento ay kailangan sa kaligtasan at ang mga ito ay nagpapabanal sa isang tao.”[13] Ito ang opisyal na doktrina ng Iglesia:

“Pinagtitibay ng Iglesia Katoliko na kailangan ng mananampalataya ang mga sakramento ng Bagong Tipanan para sa kaligtasan. Ang ‘biyaya ng sakramento’ ay ang biyaya ng Banal na Espiritu, na ibinibigay ni Cristo at nakapaloob sa bawat sakramento.”[14]

Subalit sa Banal na Kasulatan, sa Harap ng Banal na Diyos, ang isang tao ay naliligtas sa pamamagitan ng biyaya lamang, ayon pananampalataya at hindi sa paggawa ng mga ritwal. Ito ay taliwas sa itinuturo ng Kasulatan. Halimbawa sa Efeso 2:8-9 ay sinasabi, “Sapagkat sa biyaya kayo’y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito’y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos; hindi sa pamamagitan ng mga gawa upang ang sinuman ay huwag magmalaki.” Sinasabi rin sa Efeso 2:7, “upang kanyang  maipakita sa mga panahong darating ang di masukat na kayamanan ng kanyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus.”

Ang kaligtasan kay Cristo Jesus lamang ang buod ng dakilang biyaya ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng sakramento ng maling sistema ng Roma.

Opisyal na Ulat ng Vatican: Si Pope Francis at ang Kasalanan ng Paglalaglag ng Sanggol

Iniulat ng Vatican News ang ganito, “Binibigyan ng pansin ngayon ni Pope Francis ang mga babae na naglaglag ng sanggol at ngayon ay ‘binabata ang sugat ng kanilang masakit na desisyon.’ Kanyang sinabi na ang pagpapatawad ng Dios ay hindi ipagkakait sa sinumang humihingi ng tawad. ‘Dahil dito, siya ay sumulat, ‘Ako ay nagdesisyon na payagan ang lahat ng mga pari para sa Jubilee Year na patawarin ang kasalanan ng paglalaglag ng sanggol sa mga nakagawa nito kung sila ay may pagsisisi at nais na humingi ng tawad.” [15]

Ito ay umaayon sa batas ng Iglesia sa Roma na ang mga Katoliko ay humihingi ng kapatawaran ng kanilang kasalanan sa mga pari. Nakasaad sa kanilang batas ang ganito: “Ang isang tao na nagnanais ng pakikipagkasundo sa Diyos at sa Iglesia ay kailangang ikumpisal sa pari lahat ang malalang kasalanan na kanyang natatandaan matapos ang masusing pagsisiyasat ng kanyang konsiensya.” [16]

Ang pangungumpisal sa pari ay isang ritwal na hindi binanggit sa Biblia. Gayunpaman, kailangan na ikumpisal ng mga Katoliko ang kanilang kasalanan gaano man ka grabe ito.  Itinuturo ng Iglesia Katoliko na siya lamang ang may pribilehiyo na magpatawad sa kasalanan. Ito ay pinagtibay mismo ng Vatican, “Walang kasalanan, gaano man kalala ang hindi kayang patawarin ng Iglesia. ‘Walang sinuman, gaano man kasama ang hindi makaka-asa ng kapatawaran kung ang kanyang pagsisisi ay bukal sa loob.” [17]

Sinabi ni Pope Francis, ‘Ako ay nagdesisyon na payagan ang lahat ng mga pari para sa Jubilee Year na patawarin ang kasalanan ng paglalaglag ng sanggol sa mga nakagawa nito.’ Isang kalapastanganan ni Pope Francis na payagan ang mga pari (na mga tao lamang) na “magpatawad sa kasalanan ng paglalaglag ng sanggol.” Ang isang tao na magpatawad sa kasalanan ay isang paglapastangan sa Diyos, sapagkat ang Diyos lamang ang maaaring magpatawad ng kasalanan. Sinabi ng Panginoon, “Ako, ako nga ang siyang pumapawi ng iyong mga pagsuway alang-alang sa akin, at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan” (Isaias 43:25).

Tinitiyak ng Panginoon sa isang nagsisising makasalanan na ang kanyang kasalanan ay binura na ng Diyos para sa kapurihan ng Kanyang pangalan. Ang panghalip na “Ako” ay inulit upang bigyang diin na ang Diyos lamang ang maaaring magpatawad ng kasalanan. Ayon sa biyaya, ang isang makasalanan ay pinapatawad kapag siya ay nagtitiwala sa tinapos na gawa ng pagliligtas ni Cristo at tinatanggap niya si Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas. Ito ang nakasaad sa Kasulatan… “Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at banal na magpapatawad sa ating mga kasalanan at tayo’y lilinisin sa lahat ng kalikuan” (1 Juan 1:9).[19]

Ito ang katotohanan sa Biblia at hindi ang turo ng Katoliko na mangumpisal sa pari, na isang panlilinlang. Marami ng naidokumento na eskandalo ang naging resulta nito na sumisindak sa tao. Gayunpaman, patuloy na humahawak si Pope Francis sa turo ng pagkukumpisal na makikita natin sa kanyang deklarasyon noong August 2015. Dapat na ikalungkot natin ito bilang Kristiano. Ating pagsikapan na maibahagi ang tunay na Ebanghelyo sa mga Katoliko upang sila ay lumapit sa Panginoon at masumpungang ang katuwaan na makabilang sa Kanyang kaharian. Gaya ng sinabi ng Panginoon, “Kaya’t kung kayo’y palayain ng Anak, kayo’y magiging tunay na malaya” (John 8:36). [20]

Ang Panukat ng Diyos sa Tamang Kilos

May panuntunan na ibinigay  si Cristo kung paano subukin ang karakter ng isang tao. “Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Nakakapitas ba ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan?” (Mateo 7:16) [21]

Si Pope Francis at ang Iglesia Romano ay humahawak sa hidwang katuruan kaya ang kanilang teolohiya ay nagdadala sa pagkabulok. Bagamat ang Vatican ang pinakamaliit na malayang bansa na may sukat na 108 acres lamang, ito ang pinakamalaki kung pag-uusapan ang mga intriga sa politika. Ayon kay Lord Actorn, ito ang “kaaway na nagtatago sa likod ng Crucifix. [22] Ang mga aral na ating natutunan mula sa mga dokumento tungkol kay Pope Francis ay tumutukoy sa kung sino ang papa at sa  kanyang mapanlinlang na pamamalakad.

Ang Hiwaga ng Kasamaan na binanggit sa 2 Tesalonica 2:7 ay hindi tumutukoy sa mga taong hindi naniniwala sa Diyos (atheists), patutot (prostitutes), manginginom at iba pa. Kundi ito ay ang kasamaan ng bulaang relihiyon. “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na may damit tupa, ngunit sa loob ay mga ganid na asong-gubat” (Mateo 7:15). “Ngunit may lumitaw ding mga bulaang propeta sa gitna ng sambahayan, kung paanong sa inyo’y magkakaroon ng mga bulaang guro na palihim na magpapasok ng mga nakapipinsalang turo. Itatakwil nila pati ang Panginoon na bumili sa kanila na nagdadala sa kanilang sarili ng mabilis na pagkapuksa.” (2 Pedro 2:1) [23]. Si Jesu-Cristo ang tunay na liwanag ng sanlibutan. Ngunit para salungatin Siya, may isa na “nagpapanggap na anghel ng liwanag” (2 Corinto 11:14) na mayroong kanyang sistema at kalipunan ng bulaang guro. [24]

Ang katuruan ni Pope Francis, gaya ng turo ng Romano Katoliko, ay ito: Ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng pisikal na sakramento. Ang umasa sa mga bagay na pisikal (nakikita) upang magkaroon ng espiritwal na buhay ay s’yang unang kasinungalingan ni Satanas. “Subalit sinabi ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang bunga ng punong-kahoy na nasa gitna ng halamanan; huwag din ninyo itong hihipuin, kundi kayo’y mamamatay.” (Genesis 3:3) [25]

Inialok ni Satanas ang prutas bilang isang mabisang paraan upang makita ni Eba na gumagawa siya ng mabuti sa kanya. Naniwala si Eba sa likas na kabutihan at kagalingan ng pisikal na mga bagay upang maibukas ang mga mata sa kaalaman ng mabuti at masama. Ganito rin ang ginagawa ni Pope Francis sa pagbibigay ng diin sa mga pisikal na simbolo ng sakramento para sa kaligtasan at kabanalan. Ito ang kanyang sinabi, “Bilang kaugnay kay Cristo sa pamamagitan ng Pagbibinyag, nakatanggap tayo ng regalo ng bagong buhay.” [26]

Gaya ng ating nakita na sinabi ni Pope Francis “Ako ay nagdesisyon na payagan ang lahat ng mga pari para sa Jubilee Year na patawarin ang kasalanan ng paglalaglag ng sanggol sa mga nakagawa nito.” Sinabi niya ito dahil sa paninindigan niya sa opisyal na turo ng Iglesia Romano.

“Ang lahat ng malalang kasalanan na hindi naikukumpisal, ngunit dumaan sa masusing pagsusuri ng konsiensya ay kailangang sumailalim sa sakramento ng penitensya. Ang pagkukumpisal ng malalang kasalanan ay ang natatanging ordinaryong paraan ng kapatawaran.” [27]

Alam natin na ito ay isang malaking paglapastangan sa Diyos. Gayunpaman, anong laking pagpipitagan ang ibinibigay ng mundo kay Pope Francis. Humahanga sila sa kanyang karisma, polisiya at tagumpay. Ipinakikita lamang ang kadiliman at kasamaan ng mundong ito. At dahil nabubuhay ang mga Romano Katoliko sa ilalim ng pamamahala ni Pope Francis, mahabang paglalakbay ng pagsasakripisyo sa pamamagitan ng sakramento ang kanilang dapat gawin. Ito ay ang sakramento ng Misa, mabubuting gawa, merito ng pagsamba kay Maria at mga Santo. Bawat isang Katoliko ay dapat makilahok sa mga sakramento. Ngunit gawin man nila ang lahat ng ito, hahantong pa rin sila sa hindi mabilang na panahon sa apoy na ayon sa kanilang tradisyon ay tinatawag na “purgatoryo.”

Panahon na Upang Manindigan ang mga Tunay na Kristiano

Panahon na upang ang mga Kristiano ay maging seryoso sa paglaban sa maling pananampalataya. Sa mga tunay na nagmamahal sa Panginoon at sa katotohanan ng Biblia, panahon na upang  ipakita ang ating paninindigan sa katotohanan. Bawa’t isa sa atin ay inutusan ng Panginoon, hindi lamang upang ipaglaban ang ating pananampalataya, kundi ang lumayo sa mga taong ikinumpromiso ang Salita ng Diyos; sa mga tumatanggi na magsisi sa kasalanan; at sa hindi nila paniniwala sa katotohanan ng Salita ng Dios. Ang dakilang utos ng Panginoong Jesu-Cristo na ibahagi ang Ebanghelyo ay para sa atin na nagsasabing tayo ay Kristiano. Ang ipaglaban at itaguyod ang Ebanghelyo na nakabase sa Salita ng Diyos ay tungkulin ng bawat Kristiano

Nagbabala si Apostol Pedro laban sa mga bulaang guro, at si Apostol Pablo laban sa mga “lobo” sa loob ng kawan. Ang babalang ito ay naaangkop din sa ating panahon gaya din naman noong kanilang panahon.

Sa Pagtatapos

Ang kaligtasan sa pamamagitan ng Misa, sakramento, mabubuting gawa, naipon na merito, pagsamba kay Maria at mga Santo ay walang halaga sa harapan ng Banal na Diyos. Ito ay hindi maikukumpara sa pag-udyok ng Banal na Espiritu na nagmumula sa Kasulatan. Ang Salita ng Diyos ay tiyak at walang maaaring makatakas sa katotohanang nakasulat dito. Subalit sinusubukan ng iglesia ni Pope Francis na kontrolin ang relihiyon, moralidad, politika at edukasyon ng tao. Hindi si Pope Francis ang nag-uudyok mula sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, kundi si Pope Francis mismo at ang mga Obispo at pari ang gumagawa ng mga proklamasyon hinggil sa mga katanungan tungkol sa moralidad at sila rin ang nangangaral tungkol sa kung ano ang dapat paniwalaan at ipamuhay. Kabaligtaran ito sa itinuturo ng Kasulatan tungkol sa Banal na Espiritu. “At pagdating niya, kanyang susumbatan ang sanlibutan tungkol sa sa kasalanan, sa katuwiran at sa kahatulan” (Juan 16:8). [28]

Ang Banal na Espiritu ang siyang kumikilos at ito ay may ebidensya. Kapag tayo ay tunay na nabagabag sa ating mga kasalanan at umasa kay Jesus upang tayo ay iligtas sa ating lugmok na kalagayan,  malalaman natin na ang Espiritu ng Buhay na Dios ang nag-udyok at kumikilos sa atin. Ang layon ng Diyos ay nakasentro at nagtatapos sa sakripisyo ni Jesu-Cristo. Ito ay ayon sa Kanyang mabuting kalooban at para sa kapakinabangan ng Kanyang mga tao. Ang hindi masukat na biyaya ng perpektong sakripisyo ni Cristo ay ipinahayag ng Banal na Espiritu, “at sa pamamagitan ng kalooban niya tayo’y ginawang banal sa pamamagitan ng pag-aalay ng katawan ni Cristo minsan, magpakailanman.” (Hebreo 10:10) [29]

Ang sakripisyo ni Jesu Cristo ay para sa mga makasalanan na nanampalataya sa Kanya. Siya ang nagbayad ng kasalanan na dapat ay pagbayaran nila sa impiyerno. Sinunod Niya ang kautusan para sa kanila. Ang pag-ako ni Jesus ng kasalanan ng Kanyang bayan ay nangangahulugan na hindi na nila dadanasin pa ang parusa ng Diyos. Sa dakilang salita ng Kasulatan ay sinasabi, “Subalit nang dumating ang ganap na kapanahunan, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, at ipinanganak sa ilalim ng kautusan upang tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan upang matanggap natin ang pagkupkop bilang mga anak.” (Galacia 4:4-5) [30]

Nangako ang Panginoong Diyos na Siya ay magiging Ama ng lahat ng tunay na mananampalataya at sila ay Kanyang magiging mga anak na babae at lalaki. Ito ang pinakadakilang karangalan na maaaring tanggapin ng isang tao. O anong kawalan ng pasasalamat at pagbababa sa sarili kung matapos marinig ang alok ng kaligtasan ay papalitan ang ginawa ni Jesus ng mga gawa na hindi makapagliligtas. Nangako ang Panginoong Jesu Cristo na “Ang lahat ng ibinigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin; at ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy.” (Juan 6:37) [31]

Sila na tumalima sa tawag ng Diyos ay ibinibigay kay Cristo at sa Kanyang dugong nabuhos sila ay maliligtas. Ang Diyos, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ang siyang sumusumbat laban sa kasalanan, katuwiran at paghuhusga sa mga taong kinikilala ang kanilang kasalanan at ang pangangailangan nila ng kaligtasan. Sa halip na magsalita si Pope Francis sa mga tao sa Estados Unidos at sa lahat ng mga bansa sa mundo, mas makabubuti kung kanyang bigyan ng pansin ang kasamaan ng Iglesia Romano.

Ang aming layon sa artikulong ito ay gaya rin ng pakay ni Apostol Pablo ng kanyang sinulat ang ganito, “

“Ngayon mga kapatid, ipina-aalala ko sa inyo ang magandang balita na ipinangaral ko sa inyo na inyo namang tinanggap, na siya naman ninyong pinaninindigan, na sa pamamagitan nito kayo ay ligtas, kung matatag ninyo itong panghawakan–malibang kayo’y sumampalataya nang walang kabuluhan. Sapagkat ibinigay ko sa inyo una sa lahat ang akin ding tinanggap na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan, at siya’y inilibing; at muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa kasulatan.” (I Corinthians 15: 1-4) [32]

Sa Panginoong Jesu-Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos lamang tayo makakasumpong ng kalayaan at buhay na walang-hanggan. Manampalataya ka sa Kanya lamang. “At huwag kayong makibahagi sa mga gawa ng kadiliman na walang ibubunga, kundi inyong ilantad ang mga ito.” (Efeso 5:11) [33]


Kung tunay na hinipo ng biyaya ng Soberanong Diyos ang iyong puso, sana ay may marinig kami tungkol sa inyo sa pamamagitan ng pagsulat sa email address na ito”

rbennett@temp.bereanbeacon.org.

Maaari din ninyong panoorin ang video sa paksang ito sa Richard Bennett of “Berean Beacon” Website:

http://temp.bereanbeacon.org

Ang pahintulot ay ibinibigay ng may akda upang kopyahin ang artikulong ito, kung walang pagbabagong ginawa sa artikulo. May pahintulot din na i-post ang artikulong ito sa internet websites.


[1] www.nytimes.com/2015/09/24/us/politics/pope-francis-obama-white-house.html?

[2] http://abcnews.go.com/US/pope-francis-offers-prayers-muslim-pilgrims-died-hajj/story?id=34022523

[3] Catechism of the Catholic Church, Para. 841

[4] Exodus 34:14

[5] Isaiah 42:8

[6] B. Whitmore and C. Sennott, Boston Globe Staff, www.boston.com/globe/spotlight/abuse/print3/121402_failings.htm

[7] Ibid., “Colm O’Gorman, director of One In Four, a United Kingdom- and Ireland-based organization that assists sexual abuse victims.

[8] http://www.mprnews.org/story/2015/08/05/archdiocese-bankruptcy8/28/2015

[9] http://www.nytimes.com/2015/06/15/us/archbishop-nienstedt-and-aide-resign-in-minnesota-over-sex-abuse-scandal.html?  8/29/15

[10] www.uscatholic.org/glad-you-asked/2009/08/why-are-priests-celibate.

[11] The Guardian report 23 September 2015, “Pope Francis: U.S. Bishops Show ‘Courage’ Over Catholic Church Sex Scandals Abuse Crisis.”

[12] www.missionsandiego.org/pope-francis-bear-the-fruits-of-membership-in-christ-and-the-church-regina-caeli-messsage-may-3-2015/

[13] “This is the meaning of the Church’s affirmation that the sacraments act ex opere operato (literally: “by the very fact of the action’s being performed.”
Catechism, Para. 1128

[14] Catechism, Para. 1129

[15] www.news.va/en/news/pope-says-holy-year-indulgences-are-an-experience9/1/2015

[16] Catechism, Para. 1493

[17] Ibid., Para. 982

[18] Isaiah 43:25

[19] I John 1:9

[20] John 8:36

[21] Matthew 7:16

[22] Acton, Correspondence, 55; as quoted in Himmelfarb, Lord Acton, p. 151

[23] Matthew 7:15; 24:24-25; II Thessalonians 2:3-12; I Timothy 4:1-2; Acts 20:29; II Peter 2:1

[24] Revelation 2:9; 2 Peter 2:1

[25] Genesis 3:5

[26] www.missionsandiego.org/pope-francis-bear-the-fruits-of-membership-in-christ-and-the-church-regina-caeli-messsage-may-3-2015/ (Bolding is not in the original.)

[27] Catechism, Para. 1456

[28] John 16:8

[29] Hebrews 10:10

[30] Galatians 4:4-5

[31] John 6:37

[32]  I Corinthians 15: 1-4

[33] Ephesians 5:11

Podobne wpisy