ni Richard Bennett at Stuart Quint

Sa isang malaking kapulungan noong 2013, ipinahayag ni Pope Francis ang ganito:

Una sa lahat, ay ang kumunyon ng mga Sakramento. Ang Sakramento ay nagpapahayag ng mabisa at malalim na komunyon sa ating lahat, sapagkat ng dahil sa mga ito, ating kinakatagpo si Kristo, ang Tagapagligtas, at sa pamamagitan Niya, ang ating mga kapatid na lalaki at babae sa pananampalataya. Ang mga Sakramento ay hindi mga panlabas na gawain, hindi ito mga ritwal. Ang mga ito ay kapangyarihan ni Kristo. Si Kristo ay naroroon sa mga Sakramento. Kapag ipinagdiriwang natin ang Eukarista, ang buhay na si Hesus ang nagtitipon sa atin bilang isang komunidad, upang masamba natin ang Ama. Bawat isa sa atin, sa pamamagitan ng Bautismo, Pagtatalaga at Eukarista, ay napipisan kay Kristo at nakikiisa sa buong kumunidad ng mananampalataya. Kaya nga, kung ang Romano Katoliko ay gumagawa ng mga Sakramento, ang mga Sakramento naman ang gumagawa sa Iglesia at nagtatayo sa kanya sa pamamagitan ng pag-dadagdag ng panibagong henerasyon ng bagong kasapi, sa pagtitipon sa kanila bilang mga banal na tao ng Diyos, at sa pagpapatibay sa kanila bilang mga miembro ng Iglesia.”

Pansinin ang matapang na pahayag ng Papa: “Ang mga Sakramento ang nagpapahayag at nagpapaunawa ng mabisa at malalim na komunyon sa ating lahat.”

Ang katotohanan ay ang “mabisa at malalim na komunyon” ay sa pamamagitan lamang ni Hesu-Kristo. Ang komunyon kay Kristo ay hindi nangyayari sa pamamagitan ng mga ritwal o Sakramento! Sinasabi sa Kasulatan, “Sa pamamagitan niya’y nakalapit tayo sa biyayang ito na ating pinaninindigan, at nagagalak tayo sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 5:2). Ang tunay na mananampalataya ay nagtitiwala kay Hesu-Kristo lamang “gaya ng sa tanging Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan. (Juan 1:14), at “At mula sa kanyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat, biyaya na sinundan pa ng ibang biyaya.” (Juan 1:16). Ang kasaganaan ng biyaya ay nagmumula kay Hesu-Kristo, hindi sa Iglesia o anumang paulit-ulit na seremonya ng kahit anong Iglesia!

Ang Pagkontrol ng mga Sakramento ng Roma sa Kaluluwa ng Tao na Pinagtibay ni Pope Francis.

Inilalahad ni Pope Francis sa tao ang opisyal na katuruan ng Katoliko tungkol sa mga Sakramento sa pamamagitan ng Katesismo ng Romano Katoliko at ng Code of Canon Law.

“Pinagtitibay ng Iglesia sa mga mananampalataya na ang mga Sakramento ng Bagong Tipan ay kailangan para sa kaligtasan. Ang “biyaya ng Sakramentoay ang biyaya ng Banal na Espiritu na ibinigay ni Kristo at nararapat para sa bawat sakramento.” (Vatican.va/archive).

Pansinin ang mahalagang punto: Itinuturo ng Roma na ang sakramento ay “kailangan para sa kaligtasan”. Ipinagpapatuloy ni Pope Francis ang makasaysayang likong katuruan ng Roma: “Sinuman ang hindi makibahagi sa sakramento ng Roma Katoliko ay nasa kapahamakan magpakaylanman!”.

Opisyal na Katuruan ng Katoliko: Pagkabuhay Na Magmuli Sa Pamamagitan Ng Bautismo

Itinuturo ng Roma na ang bautismo ay “ang basihan ng ating buong Kristianong pamumuhay”, at ang “pintuan na nagbibigay ng puwang sa ibang mga sakramento.”:

“Sa pamamagitan ng Bautismo, tayo ay lumaya sa kasalanan at ipinanganak na muli bilang mga anak ng Diyos; tayo ay naging kabilang kay Kristo, nagiging kabilang sa Iglesia Katoliko, at naging kabahagi ng kanyang misyon.” (Catechism, Para 1213.)

“Sa pamamagitan ng Bautismo, lahat ng kasalanan ay pinatawad, ang orihinal at personal na kasalanan, gayon din ang lahat ng kaparusahan ng ating mga kasalanan.” (Catechism, Para. 1263.)

Binabaluktot ng Roma ang Kautusan ng Panginoon na Manampalataya at Magpabautismo

Ano ang utos ni Kristo upang makasumpong ng kaligtasan sa Kanya? “Ang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan.” (Markos 16:16)

Pansinin ang taliwas na turo ni Kristo at ng Romano Katoliko. Iniuutos ni Kristo una sa lahat ang “manampalataya”, magtiwala at ilagak ang pag-asa sa sakripisyong kamatayan Niya sa Krus sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Ito ang tanging pag-asa para sa kaligtasan.

Ngunit ang malalang kasalanan na magbubulid sa tao sa kapahamakan ay ang kawalan ng pananampalataya at pagtitiwala kay Kristo. Ang patunay nito ay mababasa sa kasunod na linya (na hindi nila binanggit)na nagsasabi, “hindi ang mga nabautismuhan ang parurusahan” kundi “siyang hindi nanampalataya”.

Kung ang isang tao ay nabautismuhan subalit hindi nanampalataya, ang taong ito ay hahatulan. Tayong makasalanan ay nararapat tumanggap ng puot ng Diyos hindi lamang dahil sa ating likas na kasalanan kundi dahil sa ating nagagawang kasalanan araw-araw. Walang makakasapat sa hustisya ng Diyos maliban sa ating pagtitiwala sa minsanang sakripisyo ni Kristo na naghugas ng ating mga kasalanan. “Sapagkat sa biyaya kayo’y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito’y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos; hindi sa pamamagitan ng gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki.“ (Efeso 2:8-9).

Mas Itinataas ng Roma ang Sakramento Kaysa Ebanghelyo ni Kristo

Nililinlang ng Roma Katoliko ang mga tao na magtiwala at umasa sa makapangyarihang pangako ng mga sakramento. Tinutuya nito ang kabanalan at kahabagan ng Panginoong Diyos.

Malinaw na ang opisyal na katuruan ng Vatican tungkol sa bautismo ay isang huwad na kahalili ng tunay na pananampalataya na nagliligtas. Ang pananampalataya kay Kristo ay buhay at kaligtasan. Ito ang turo ni Kristo, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig na aking salita at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi darating sa kahatulan kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan.” (Juan 5:24).

Ang bautismo, bagamat mahalaga ay hindi nagliligtas sa kaluluwa ng isang tao. Ang bautismo ay iniutos ng Diyos bilang pagpapahayag ng pananampalatayang nagliligtas at pagpapakita sa madla ng natapos na gawa ni Kristo na inilalapat sa isang kaluluwa.

Ang Pagtatalo sa Pagitan ng Kapatawaran sa Biblia at ang Pangungumpisal sa Roman Katoliko.

Ang Diyos ay nagpapatawad sa kasalanan ng mga taong nagsisisi at nanampalataya sa Panginoong Hesu-Kristo. Ayon sa sulat ni Apostol Pablo, “Kaya nga mga kapatid, maging hayag nawa sa inyo na sa pamamagitan ng taong ito’y ipinapahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan.” (Mga Gawa 13:38).

Kapag ang isang tao ay nagtitiwala sa natapos na gawa ng Panginoong Hesu-Kristo, ang Diyos ay nangangako ng lubos na pagpapatawad at inilalapat sa kanya ang Kanyang katuwiran. “Sa kanya’y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya.” (Efeso 1:7). Kaya’t ang Ebanghelyo ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas gaya ng ipinahayag ni Apostol Pablo. Kung ang isang mananampalataya ay nagkasala, kanyang ipinapahayag ang kanyang kasalanan sa Diyos mismo na Siya lamang maaaring magpatawad, “Kung ipahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at banal na magpapatawad sa ating mga kasalanan at tayo’y lilinisin sa lahat ng kalikuan.” (I Juan 1:9).

Sa sakramento ng pagkukumpisal, itinuturo ng Iglesia Romano Katoliko ang paraan ng kapatawaran na taliwas at kakaiba sa itinuturo ng Salita ng Diyos.

“Ang isang tao na nais makatanggap ng pakikipagkasundo sa Diyos at sa Iglesia ay kailangang ikumpisal sa pari ang lahat ng malalang kasalanan na kanyang natatandaan matapos na suriin niya ang kanyang konsiensya.” (Catechism, Para. 1493.)

Ang pari ng Romano Katoliko ay nagkakaloob ng “absolusyon” o pagpapatawad sa ganitong mga kataga: “Aking pinapatawad ang iyong mga kasalanan sa pangalan ng Ama ng Anak at ng Banal na Espiritu.” Sa makatuwid, ang pari ang humahalili sa lugar ng Diyos upang magbigay ng kapatawaran!

Binabaluktot ng Roma ang turo ni Kristo at ipinagtatanggol ang walang basihang gawa ng pagpapatawad ng mga pari.

Nang magdadapit-hapon na ng araw na iyon, na unang araw ng linggo… dumating si Jesus at … sila’y hiningahan niya, at sa kanila’y sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Kung inyong patawarin ang mga kasalanan ng sinuman, ang mga iyon ay ipinatatawad sa kanila. Sinumang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, iyon ay hindi ipinatatawad.” (Juan 20:19, 22-23)

Ang Sagot ng Biblia sa Maling Katuruan ng Pangungumpisal ng mga Katoliko

Sa pagsusuri ng mga kataga sa Juan 20:23: “Kung inyong patawarin ang mga kasalanan ng sinuman, ang mga iyon ay ipinatatawad sa kanila. Sinumang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, iyon ay hindi ipinatatawad.”, ang kahulugan ng Panginoong Hesus sa pagpapatawad na nabanggit ay ayon sa kapatawaran na sinasabi sa Ebanghelyo. Malinaw na mali ang pagbanggit at interpretasyon ng katesismo ng Iglesiang Katoliko sa Juan 20:23.

Dito ay ipinahayag ng Panginoon ang Ebanghelyo sa ilang mga salita. Ang Diyos ang nagbibigay ng awtoridad sa Kanyang disipulo na ipahayag ang kapatawaran sa mga pinatawad na ng Diyos. Ang utos na ibinigay sa bersikulong ito sa Juan ay kaugnay sa parehong talata sa Lukas 24:47, “at ipinangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula Jerusalem.” ; Mateo 28:18-20, “Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin. Kaya’t sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalang ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At narito, ako’y kasama ninyong palagi hanggang sa katapusan ng panahon.” Sa Marcos 16:15-16 ay sinabi ni Hesus, “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha. Ang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan.”. Ganito naunawaan ng mga apostol ang pagsunod sa Dakilang Tagubilin na malinaw na ipinamuhay ng mga apostol sa aklat ng Mga Gawa.

Hindi nagtalaga si Kristo ng mga tao na siyang susuri sa bawat kasalanan ng tao. Kundi nagtalaga Siya ng mga magpapahayag ng Ebanghelyo. Si Kristo ang kumikilos upang mapakinggan ng tao ang mensahe ng Ebanghelyo. Ang Banal na Espiritu ang naglalagay sa puso ng mananampalataya ng biyaya ng pagtubos na nakamit sa pamamagitan ni Kristo lamang.

Itinuturo ng Kasulatan na ang Dios ay nagpapatawad sa pamamagitan ng pagtalima sa tawag ng Ebanghelyo at hindi sa pagbulong ng kasalanang nagawa sa tainga ng isa pang makasalanang tao (Pari) sa kumpisalan.

Tinatanggihan ng Misa ang Kumpleto at Minsanang Sakripisyo ni Kristo

Isinasalarawan ng Iglesia ng Roma ang namatay na si Kristo bilang “sagradong biktima” sa ginagawa nitong Eukarista. Ang sentro ng kanilang pagsamba ay ang ritwal ng Misa. Lahat ng Romano Katoliko na nasa ilalim ng paghihirap ng mortal na kasalanan ay kailangang dumalo.

Pinagtitibay ng mga Romano Katoliko na ang sakripisyo ni Kristo sa krus at ang sakripisyo ng Eukarista ay iisa lamang.

Ang sakripisyo ni Kristo at ang sakripisyo ng Eukarista ay isang sakripisyo lamang. Ang biktima ay pareho at iisa: pareho ang paghahandog sa pamamagitan ng pari at ang paghahandog ni Kristo ng Kanyang sarili sa krus. Ang paraan lamang ng paghahandog ang naiba. Sa dakilang sakripisyong ito na ginaganap tuwing Misa, ang Kristo na naghandog ng sarili sa isang madugong paraan sa altar ng Krus ay kasama at inihahandog sa pamamagitan ng hindi madugong paraan.”

Sa pamamagitan ng Misa, ang Eukarista ang sentro ng Katolisismo. Sa pagsisikap na bigyang lugod ang Diyos sa pamamagitan ng paghahandog, itinatanggi ng Romano Katoliko ang natapos, ganap, at minsanang paghahandog ni Kristo ng Kanyang sarili sa krus. Dapat na magkaroon ng malaking pagkahabag ang mga Kristiano sa mga Katoliko dahil tinuturuan sila ng turo ng Demonyo.

Ang Panginoong Hesus ang nag-iisang Pari na naghahandog sa Bagong Tipan. Kanyang tinapos ang gawain ng kaligtasan sa isang minsanang handog. Ang katotohanang ito ay paulit-ulit na pinagtitibay sa Kasulatan. Ang buod ng paghahandog na ito ay ipinahayag ng Panginoong Hesus mismo mula sa krus: “Natupad na.” (Juan 19:30).

Ang natatanging kaibahan ng sakripisyo ni Kristo ay ganito: Ito ay isa at minsanang paghahandog.

Ang kagandahan ng sakripisyo ni Kristo ay matutunghayan sa salitang “minsanan”. “Sapagkat ang kamatayan na ikinamatay niya ay kanyang ikinamatay sa kasalanan nang minsanan…” (Roma 6:10) “Hindi gaya ng ibang mga pinakapunong pari, hindi niya kailangang maghandog ng alay araw-araw, una para sa kanyang sariling mga kasalanan, at saka para sa mga kasalanan ng bayan; ito’y ginawa niyang minsan magpakailanman nang kanyang ihandog ang kanyang sarili.” (Hebreo 7:27).

Hindi lamang inangkin ng Iglesia sa Roma ang sakripisyo ni Kristo, itinuturo pa nito na sa Eukarista, ang “pinagpalang sakramento” (ang puting ostiya) ay naglalaman ng pisikal na katawan ni Kristo, ang Kanya mismong kaluluwa at pagkadios.

“Sa pinag-palang sakramento ng Eukarista, ‘ang katawan at dugo, kasama ng kaluluwa at pagkadiyos ng ating Panginoong Hesu-Kristo, sa makatuwid ay ang buong Kristo ay tunay at lubos na nakapaloob.” (Catechism, Para. 1374).

Kaya’t ang mga katoliko ay tinuturuan na sa tinapay, “Ang kabuuan ni Kristo” ay naroroon. Nililinlang ng Roma ang mga Katoliko sa pagtuturo na ang kalubusan ni Kristo ay naroon sa tinapay. Itinutulak din nila ang mga Katoliko na sumamba sa dios-diosan sa pamamagitan ng tinapay.

Itinuturo din ng Roma na ginagawa ng tinapay at alak na maging banal ang isang tao.

Ang Banal na Komunyon ay naghihiwalay sa atin sa kasalanan. Sa gayon ding pag-ibig na nagbibigay init sa ating kaluluwa, ang Eukarista ay nag-iingat sa atin sa mortal na kasalanan na atin pang magagawa.” (Catechism, Para.1395).

Ang Roma ay nagtuturo na ang pisikal na “Eukarista” ay nagbubuklod sa isang tao kay Kristo at “naghihiwalay”sa kanya sa kasalanan.

Ang katuruang ito ay malinaw na pagbaluktot ng Ebanghelyo ni Kristo at may nakapaloob na walang hanggang sumpa. Ang Salita ni Kristo ay espiritu at buhay. “Ang Espiritu ay nagbibigay buhay, ang laman ay walang anumang pakinabang.” (Juan 6:63). Ang imungkahi na kainin ang katawan ni Kristo ay kasuklam-suklam, subalit ang sabihin na ito ay mag-iingat sa atin sa kasalanan ay sukdulang kasamaan.

Ang mapang-akit na katuruang ito na ayon sa pilisopiya ng tao ay katulad ng paganong tradisyon na pagsamba sa gintong baka upang magkaroon ng buhay. Karumal-dumal ang katuruang ito dahil sa tinutuya nito ang katarungan ng Banal na Diyos. “Hindi mo ibig at hindi mo rin kinalulugdan ang mga alay at mga handog, at mga buong handog na sinusunog at mga alay para sa kasalanan.” (Hebreo 10:8).

Ang Banal na Hapunan ay Pag-alala, Hindi ang Katolikong “Hocus Pocus”

Ang pag-alala kay Kristo sa Hapag ng Panginoon ay ang pagdiriwang ng ating espiritwal na pakikipag-niig kay Kristo at sa Kanyang bayan. Sa Bagong Jerusalem, ang Panginoong Hesus ay kasama mismo ng mga apostol, ayon na rin sa isinaad ni Apostol Juan, “Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Dios at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad niya, sapagkat siya’y ating makikita bilang siya.” (I Juan 3:2).

Nang umakyat sa langit si Kristo, ang pakikisama sa ating Panginoon ay ipinagdiriwang natin sa pamamagitan ng mga tanda at hindi mukha sa mukha katulad ng ginawa noon sa Bagong Tipan. “Gayundin naman ang kopa, pagkatapos ng hapunan na sinasabi “Ang kopang ito na nabubuhos nang dahil sa inyo ay ang bagong tipan sa aking dugo.” (Lukas 22:20).

Ang pagdiriwang ng Banal na Hapunan ay isang napakalapit na espiritwal na pakikisama kay Hesus, ngunit hindi ginagawa upang magbigay ng espiritwal na pagbabago sa isang nakikilahok dito.

Konklusyon: Magtiwala kay Kristo, Hindi sa Mapanlinlang na mga Sakramento ng Romano Katoliko.

Ayon sa Biblia, ang kaligtasan ng isang mananampalataya ay nakasalig lamang kay Kristo at sa Kanyang katuwiran. Ang pananampalataya ng isang tao ay nag-uumpisa at nagtatapos sa Panginoong Hesu-Kristo lamang at hindi sa mga ordinansiyang Kanyang ibinigay.

Ang Bautismo at Huling Hapunan ay nagpapatotoo sa natapos na gawa ng Panginoong Hesus patungkol sa ating kaligtasan. Subalit ang mga ordinansyang ito ay hindi humahalili o pumapalit sa Panginoong Hesus mismo o sa Kanyang kapangyarihan.

Kung ang isang tao ay naniniwala na, “naging tao ang Salita at tumahang kasama namin at nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatian na gaya ng sa tanging Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.” (Juan 1:14), ay nalalaman niya na “mula sa kanyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat, biyaya na sinundan pa ng ibang biyaya.” (Juan 1:16). Ang Dios lamang ang nagtataglay ng masaganang biyaya. Hindi ito ibinigay kailanman sa Iglesia o anumang seremonya ng Iglesia.

Ang katuruan ng Romano Katoliko tungkol sa mga pisikal na tanda na kailangan sa kaligtasan ay isang walang saysay na paghalili ng sakramento sa Panginoong Hesus, Siya na Panginoon at nagbibigay buhay. Ito ay isang paglapastangan at pagtatwa kay Hesus at sa Kanyang natapos na perpektong sakripisyo.

Ang pagtawag ng “sakramentong biyaya” na “biyaya ng Banal na Ispiritu” ay naghihiwalay sa kaluluwa ng tao sa Dios at magbubulid sa kanyang walang hanggang pagkawasak. Ito ay isang paglapastangan sa Banal na Dios.

Ipinapahayag ng Kasulatan ayon sa biyaya ng Dios ang katuwiran ni Kristo na tahasang inilapat sa isang mananampalataya. Ang katuwirang ito ay kay Kristo lamang hindi sa pag-gawa ng mga ritwal o pisikal na sakramento. Ito ang pagpapawalang-sala na kailangan sa kaligtasan ng tao na naaayon sa plano at layunin ng Diyos. Dahil ang Diyos ay Espiritu, ang pagsamba sa Kanya, gayon din ang ordinansya ng Bautismo at Banal na Hapunan, ay dapat na ayon sa espiritu at katotohanan. “Ang Dios ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohan” (Juan 4:24).

Ang sistema ng sakramento ng Roma ay delikado para sa kaluluwa dahil sa dalawang dahilan: Una, “Sapagkat ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.” (Hebreo 12:29). Ikalawa, ang Katolikong sakramento ay nagbibilanggo sa kaluluwa ng tao. Hinihingi ng kabanalan ng Diyos ang lubos na katapatan at perpektong sakripisyo ni Kristo sa krus. Ang Ebanghelyo ay ang natapos na gawa ni Kristo at dapat ipahayag ng walang kamaliaan. Ang sinumang hindi magpahayag nito ng tapat at walang kamalian ay walang pagsalang papatawan ng malagim na kaparusahan.

Itinatanggi ng mga tradisyon at katuruan ng Papa at Roma ang perpektong sakripisyo ni Kristo at ang Kanyang Ebanghelyo. Ang Dakilang Persona ng Dios ay kanilang ibinababa sa paghahandog kay Kristo sa bawat pagdaraos nila ng misa.

Dahil sa pag-agaw sa lugar at sakripisyo ng Panginoong Hesus, ang Roma ang siyang naging pinakamahigpit na kaaway ng Kristianismo. Ang pinakamalakas na kaaway ni Kristo at ng Kanyang Ebanghelyo ay hindi ang materyalismo, kalaswaan, o pagmamataas ng tao, kundi ang espiritwal na apostasiya na nagpapanggap at tumatayo sa posisyon ng ating Panginoong Hesus.

Hayaang pakinggan ng aming minamahal na mambabasang Katoliko ang malinaw na utos ng Panginoong Hesus na nasulat sa Biblia. “Kaya nga lumabas kayo sa kanila, at humiwalay kayo, ang sabi ng Panginoon.

(2 Corinto 6:17).

May pagkahabag na ipinahayag ni Hesu-Kristo ang ganito: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.” (Mateo 11:28). Siya ay bumaba sa lupa upang palayain ang Kanyang bayan mula sa pagka-alipin sa gawa at relihiyon na hindi kailanman makaka-abot sa kabanalan ng Diyos, ni makakapagpalaya sa tao sa kasalanan. Ang malualhating kapahayagan ng kadakilaan ni Kristo ay makikita sa imbitasyon ng Ebanghelyo. Hinihimok ang mga kaluluwang nagdurusa at napapagal na lumapit kay Hesu-Kristo upang magkaroon ng kapahingahan.

Ang Ebanghelyo ay sagot sa pinakamalalang problema ng tao – paanong ang taong makasalanan ay maging matuwid sa harap ng Banal na Dios? Sa Roma 1:16-17 ay sinabi ni Apostol Juan, “Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una’y sa Judio at gayundin sa Griyego. Sapagkat dito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya, gaya ng nasusulat, “Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”. Si Hesu-Kristo lamang ang sagot sa pinakamalalang problema ng katauhan, hindi ang mapanlinlang na ritwal at Sakramento ng Romano Katoliko.

Podobne wpisy